Mawalang galang lang po magtatanong lang sana ako, kung hindi niyo man ako matulungan, salamat na lang sa pakikinig mo at sana pareho tayong makarating sa paroroonan natin.
Kilala mo ba ang taong ito? Pasensya na ho kung medyo luma na itong larawang ito, pero kahit lukot, medyo punit, at malabo, pero ito na lang ang natitirang alaala ko sa kanya. Sa katunayan nga ho, hindi ko na rin alam kung ganyan na ang itsura niya ngayon. Marami po kasi siyang mga kapatid, meron hong lahing Tsino, Pranses, Hapon, Amerikano at marami pang ibang lahi. Ang gulo nga ho sa bahay namin, kanya kanyang away, kanya kanyang tampuhan , meron may problema, at meron ding gumagawa ng problema. Madalas nga, malayo ang loob nila sa isat isa, pero kung talagang kailangan naman, nagkakaisa din sila. Hindi na nga ho nakapagtataka na hindi sila magkakamukha, ibat iba din ang talento at antas ng kakayahan, at ibang iba ang ugali sa isat isa, pero, hindi ho isang bastardo ang nasa larawang yan, pati na ang lahat ng kanyang mga kapatid, dahil sa iisang bahay lang sila nakatira, parepareho silang kumakain sa isang hapag, at natutulog sa iisang kama, at higit sa lahat, mahal ko silang lahat, dahil iisa ang dugong dumadaloy sa aming mga ugat.
Ang tagal na ho ng pinagsamahan namin, parang mula pagkapanganak nga niya kilala ko na siya, ganun kami kalapit niyan, pero, pag naiisip ko yun, lalo lang ako nalulunkot, kasi sa tinagal-tagal ng pinagsamahan namin, hindi ko man lang namalayan na lumalayo na pala siya sakin. Wala naman sakin yung paunti-unting paglayo ng loob niya sa akin, minsan nakakalimutan niya ako, minsan hindi pinapansin, pwede mo na rin sabihin na nababalewala. Ayaw ko naman maging pabigat sa kanya, sa totoo nga, palagi kong sinusuportahan anuman ang balak niya, kahit mabigat sa kalooban ko, basta makapagpapasaya sa kanya. Ang gusto ko lang kasi, masukat niya ang hangganan ng kanyang kakayahan at potensyal, at maging mabuting tao. Oo, minsan talaga hindi ko na makayanan ang ginagawa niya sakin at hindi ko talaga mapigilan ang maiyak at magdusa ng tahimik, pero, sa pagtulo ng ilang luha, kasama na dun ang lahat ng hinanakit ko sa kanya, alam ko naman na kaya niya magbago, na magbabalik pa ang dating masayang pagsasama namin, kailangang ko lang na umasa, siguro, magtiis pa, at maghintay.
Pero isang araw, hindi ko na lang namalayan, pag lingon ko, wala na siya sa tabi ko, hindi naman siya nagpaalam sa akin o nagpasabi man lang. Basta bigla na lang siya umalis, at tila nawala nang bigla sa buhay ko. Inisip ko din nung una na babalik siya, parang nung dati, at maagap kong hinintay ang tunog ng katok sa aming pintuan o kaya kahit mga yapak niya na papalapit sa aming bakuran. Pero hindi siya dumating, at tila, hindi na siya babalik sa akin. Alam ko namang darating din ang araw na mangyayari yun, pero hindi pa rin ako naniwala. Dun ko na rin naiisip na hanapin siya. Kung saan saan na nga ho ako napadpad, sa mga kabundukan,sa mga siyudad, pati nga mga eskinita at bilangguan hinanap ko siya. Hindi ko nga alam kung palagi lang ako namamalikmata pero marami siyang kahawig at kaugali, pero hindi ko naman sila kamaganak, at hindi rin siya ang hinahanap ko. Parang nalibot ko na nga ho ang buong mundo, wala pa rin akong makita, kahit bahid man lang ng pinanggalingan niya. Pero bago ko pa nga nararating ang dulo ng isang lugar, ang iniisip ko na agad, kung saan ko pa kaya siya pwedeng hanapin. Tila nauubos na ang kabataan ko sa paglalakbay na ito, pero ayos lang, kasi hindi na mahalaga kung kumunat ang aking mga buto, manlabo ang aking paningin, at unti-unti nang tumigil ang pagtibok ng puso ko, basta hahanapin ko siya. Iniisip ko na lang na parang naglalaro kami ng taguan, na pag nakita ko siya, siya naman ang taya. Tapos, pipilitin kong ngumiti at itutuloy ang paghahanap.
At nandito na ako ngayon, umaasa na may estrangherong makapagbibigay sa akin ng kahit kaunting pag asa na buhay siya at nasa mabuting kalagayan, at higit sa lahat, pag-asang, babalik pa siya sa akin. Pasensya ka na, hindi ko talagang mapigilang maluha, salamat sa panyo mo, iho. Ah ayan na pala ang bus na hinihintay mo, salamat sa iyong pakikinig, ay bago ka umalis iho, kung sa iyong paglalakbay ay makadaupang palad mo man lang ang aking anak, paki sabi na lang na hinahanap siya ng kanyang ina at hinihintay na ang kanyang pagbabalik. At sa iyo anak, pagpalain ka ng Diyos, saan ka man dalin ng iyong paglalakbay…
-Oscar-